Ngayong panahon ng bakasyon, tiyak na tanghali na naman ako lagi kung gumising, at ang nagpapagising sa akin ay ang ingay na dulot ng mga magda-dabarkadz sa T.V., syempre walang iba kundi ang Eat Bulaga! Matagal na talaga ang best noon time show na iyon in Philippine Television, magte-thirty years na ang kulitan, kantahan, at kasiyahanng kanilang idinudulot sa halos araw-araw nating panananghalian. Sa likod ng tatlong dekadang pamamayagpag ng Eat Bulaga, ay naroroon ang kanilang hangaring makapagbigay pa ng kasiyahan at kaligayahan sa lahat ng tao, lalong lalo na sa mga bata. At bilang panimula ng kanilang mga surpresang ihahandog sa kanilang ika-tatlumpung taon, inihahandog ng Eat Bulaga ang EBest o ang Eat Bulaga's Best Student Awardee, kung saan kaalinsabay ng taon na kanilang pamamayani sa atin, tatlumpu din na mga estudyante ang kanilang sinaliksik sa bawat sulok ng bansa upang mahandugan ng nasabing karangalan. EB's Best Student Awardee, karangalan na handog ng Eat Bulaga sa mga batang kasalukuyang nakapagtapos ng Elementarya na may nakamit na karangalan, na sa kabila ng iba't ibang suliranin at kahirapan sa buhay, ay hindi inalintana sa pag-asang makapagtapos ng pag-aaral. Sa bawat araw ay isa-isang mga bata ang kanilang i-f-in-i-feature na mula sa iba't ibang probinsya at bayan sa Pilipinas, ipinapakita ang kanilang kalagayan ng pamumuhay, kasabay ng mga salitang kanilang binibigkas na punumpuno ng pag-asa at makapagbibigay ng inspirasyon sa mga katulad nilang naghihirap ngunit nakapagkamit ng karalangan, ang Edukasyon. May ilan sa kanilang hindi alintana ang layo ng nilalakad makarating lamang sa paaralan, mga batang walang sariling sapatos at nanghihiram lamang maging sa araw ang pagtatapos, mayroong isang nakatsinelas lang kung pumasok, ngunit lahat ng yan ay nakapagtapos dala ang pagiging isang valedictorian, salutatorian o First-Honorable man. Mga batang hindi hadlang ang kahirapan ng pamumuhay, may isa na ang pinagkakaabalahan pagkatapos ng klase bukod sa pag-aaral ay ang pagtulong sa ina na magtinda ng gulay, may batang sa may tulay man nakatira ngunit hindi hadlang upang maging isang valedictorian. Gasera man ang nagbibigay liwanag sa pag-aaral, nagdulot naman ito ng isang napakalaking karangalan sa kanyang ina ang pagiging isang valedictorian. Dala ng tatlumpung mga batang ito ang istorya ng kahirapan sa kabila ng karangalang kanilang natamo. Magmula man sa Luzon, Visayas o Mindanao, iba't iba man ang kanilang lugar ngunit iisa ang kanilang hangarin, na ang tanging Edukasyon lamang ang magdadala sa kanila sa kaginhawahan ng buhay.
"Ang edukasyon ang aking magiging daan tungo sa kaginhawahan", "Ang kahirapan ay hindi hadlang upang makapagkamit ng karangalan", "Ang edukasyon ay napakahalaga sapagkat kelanman ay hindi ito mananakaw" mga salitang kanilang binitawan na naging baon nila sa ilang taong pag-aaral, mga salitang nagdulot sa kanilang magpursigi at makapagtapos ng pag-aaral, mga salitang makapagbibigay inspirasyon sa bawat makakarinig na makapagbibigay kaliwanagan sa kahalagahan ng Edukasyon.
Tunay ngang napakahalaga ng Edukasyon, maging ako, hindi ako mahihiyang banggitin dito na sa bawat tanghaling panonood ko ng Eat Bulaga, bukod sa tumawa ay umiiyak din ako sa tuwing aabangan at papanoorin ko ang EBest. Sa bawat kwento ang pakikibaka at tagumpay ng mga bata, sa mga salitang namutawi sa kanilang mga bibig, tunay ngang na-inspire at humanga ako sa kanila. Di ko mapigilan ang pagtulo ng luha ko sa tuwing papanoorin ko ang bata na i-f-i-feature ng EBest, sa bagong kwento at salitang kanilang babanggitin. Luha na ang dahilan ay awa sa kanilang kalagayan, at maging luha ng kasiyahan para sa kanila na nagtagumpay sa gitna ng pagsubok ng buhay. Nakakatuwa para sa akin, ang kanilang tagumpay ng pagkakamit ng karangalang kanilang pinaghirapan. Tunay na nakapagpaluha sa akin ang kanilang makainspirasyong buhay. Maaaring naka-relate man ako sa kanila ng bahagya, pero mas hanga pa rin ako sa tibay at hangarin nila na makapagkamit ng ganitong karangalan. Nasa elementarya pa lamang sila ramdam na nila ang bagsik ng buhay, naalala ko tuloy noong mga panahon na nasa kalagayan nila ako, hindi ko alintana ang kahalagahan ng Edukasyon, mayroon nga akong kumpletong gamit, sapatos at baon sa araw-araw ngunit wala naman sa akin ang hangaring makapagkamit ng karangalang kanilang natamo. Tunay na sila'y mga modelo ng kabataan ngayon na sana'y dumami pa. Alam kong sila'y may mararating, nasa unang level pa lamang sila at marami pang mga darating na pagsubok sa kanilang buhay, na kung ipagpapatuloy lamang nila ang kanilang prinsipyo, tiyak magtatagumpay muling sila. Nawa'y lahat ng kabataan ay maging katulad nila, mga EBest Awardees.
May 23, 2009, espesyal na araw ng Sabado para sa tatlumpung EBest Awardees. Ang araw kung kailan iginawad sa kanila ang plaka na nagpapatunay na sila'y mga EBest Awardees, mga natatanging bata ng Eat Bulaga. Isa-isa silang tinawag, sa likod ay ang kanilang mga magulang, iginawad nina Tito, Vic at Joey ang mga plakang karapat dapat lamang makamit ng tatlumpung bata. Kasabay ng pag-awit nina Gary V., Dulce, Din-din Llarena ng mga awiting nakapagbibigay inspirasyon. Muli na namang lumuha ang mga mata ko at nakita ko na naman silang lahat, ngunit luha na ito ng tuwa at ligaya ng makita ko ang mga ngiti sa kanilang mga mukha sa pagkakamit ng maraming surpresa mula sa Eat Bulaga. Bukod sa plaka, ang mga batang ito ay nagkamit din ng kumpletong mga school supplies, at damit kagaya ng sapatos..