Friday, August 6, 2010

NAGMAHAL AKO NG ISANG HAYUP

Mahirap ang trabaho ng isang Service Crew, walang oras na hindi ka kumikilos. Kailangan buong oras ng pagtatrabaho mo ay may ginagawa at abala ka. Nagpupunas ng mesa, naglilinis ng sahig, nagliligpit ng kinainan, nag-a-assist at nag-i-entertain ng mga customer. Ang taray, parang artista lang, nag-i-entertain? Tnt. Ilan lang yan sa mga gawain ng isang tulad ko. At lalo na ngayon sa bagong station ko, ang Front Counter Area! Wow, magka-cashier na ako! Tnt.

Dalawang buwan na ang nakalilipas, at sanay na sanay na akong magkaha, buong araw halos daan-daang customer ang nakakasalamuha at napagsisilbihan ko. May mga customer na madaling kausap, may mga mahirap maintindihan kung ano ang order, may mga customer na mareklamo, masungit,may mga nagmamadali pa, pero lahat ng ugaling 'yon ay kailangan kong sakyan at pagpasensyahan. May mga order na isang meal lang, meron ding large food order, for dine-in man or for take-out. Lahat ng 'yan ay araw-araw kong nararanasan sa aking bagong position. Iba't ibang uri din ng tao nakakasalamuha at nakakausap ko. May mga nanay na may kasamang makulit na anak na gusto ng laruan, may mga kumakain para magpalamig lang, may mga mag-asawa, mag-syota, bata, matanda, lalaki, babae at iba pang uri ng kasarian na nakakalito minsan kung "ma'am" o "sir" ba ang itatawag ko sa kanila? Tnt. At syempre hindi mawawala ang mga customer na kasing edad ko lang din, mga estudyante na kaaawas lang from school, mga naggagala at inabutan na ng gutom, mga nagde-date na magsyota, at hindi rin mawawala ang mga nag-iisa lang na customer kagaya ng customer na nakilala ko...

July 09, 2009..

Pagabi na, madilim na sa labas, malapit ng matapos ang duty ko, sa wakas isang oras na lang makakauwi na ako. Habang papalapit na ang oras ng pag-out ko, lalong tumitindi ang pagod na nararamdaman ko. Medyo naiinis na din ako, haggard na ang itsura ko, ang init na ng pakiramdam ko, hindi ko pa maintindihan 'tong customer na kausap ko? Lc. Siguro may dalawang minuto kaming nag-usap tungkol sa order nya? Tnt. Pagkatapos kong sabihin ang total price ng nabili nya, bago pa lang sya dumudukot ng pera, medyo naiinip na nga 'yung customer na susunod sa kanya. Sa sobrang tagal, napatingin na lang ako sa isang customer na nakapila sa katabi kong Counter person din. Moreno, medyo matangkad, magandang pumorma at nag-iisa sya. May maganda syang mga mata na patingin-tingin sa paligid, nagtama ang mga mata namin pero inalis nya kaagad ang tingin sa'kin, mukha syang seryoso at parang may kaaway, pero cute sya! Tnt. Binaling ko nalang ang oras ko sa mga customer ko, sa bawat asikaso ko sa kanila, nagnanakaw ako ng sandali sa pagsulyap sa kanya. Pakiramdam ko talaga, nagtatama ang aming mga mata. Haha. Nag-dine-in sya, bakit kaya sya mag-isa? Habang wala ng tao, nagpunta ako sa dining area, kunwari may iniintindi akong iba, pero ang totoo, hinahanap ko sya. At iyon ang unang araw na makita ko sya.

After two days, same scenario, nakapila na naman sya sa katabi kong counter person para um-order, pero kaunti lang ang tao that time, since wala akong customer, gusto ko sana syang tawagin para kunin ang order nya, pero nahihiya ako, gusto kong kusa syang lumipat sa tapat ko para um-order, pero bigo ako, may customer na kasing pumila sa akin para um-order. Ok lang, bakit? Sino ba sya? He's just an ordinary customer, pero bakit parang hindi? Kakaiba kasi sya at parang special. Nakaupo na sya at kumakain, bakit parang may nagtutulak sa'kin para pumunta sa dining area para silipin sya? Wala na naman syang kasama at kumakain mag-isa. Napansin tuloy ako ng isa kong ka-crew at nagtanong kung bakit ako nasa dining area, sabi ko wala may sinilip lang ako. Bumalik na'ko sa counter area, dumami bigla ang tao at naging abala ako, hindi ko na nga napansin kung lumabas na ba sya o hindi pa. Makalipas ang kaunting sandali, pumunta ako sa mesang kinainan nya, wala na sya pero nandun pa yung pinagkainan nya, ako na mismo ang nagligpit no'n at ang tanging natira na lang ay ang kanyang resibo, pasimple ko itong tinupi at balak kong iuwi para itago. Tnt.

One afternoon, same time, same scenario na naman, instead na sa akin sya pumila dahil wala naman akong customer, dun na naman sya pumila sa iba kahit may customer pang kausap 'yung katabi kong counter person, tatawagin ko na talaga sya! Pero hindi pa ako nakakapagsalita, may pumila na sa akin na customer at nakakalungkot dahil iba 'yon at hindi sya. Habang kausap ko 'yung customer ko, patingin tingin ako sakanya, malungkot ako at nagtatanong sa aking sarili, bakit kaya hindi sya pumipila sa akin? Paiba-iba naman 'yung counter person na nakakatabi ko, pero mas gusto pa nyang du'n pumila, kahit maghintay pa sya sa customer na nasa unahan nya. Ano bang meron sa akin? Nahihiya ba sya sa'kin? O ayaw nya lang talaga pumila sa akin kasi lalaki din ako? Gusto nya lagi sa babae pumila? Babaero ata 'to eh. Tnt. Sabagay, siguro single sya, naghahanap ng syosyotain? Teka, bakit ko ba iniisip ang mga bagay na 'yan? HE'S JUST AN ORDINARY CUSTOMER, pero, hindi talaga. Sabi ng isip ko ordinaryong customer lang sya na kapag lumabas na ng pinto ng restaurant, pagkatapos kong pasalamatan ay dapat ko na'ding kalimutan, pero sabi naman ng puso ko, he's special, na mahirap kalimutan, pilit na pumapasok lagi sa aking isipan kaya ngayon nasa puso ko na sya. Hindi pwede, mahirap ma-inlove sa isang katulad nya, ni hindi ko nga sya kilala, hindi ko alam kung tagasaan sya, hindi din ako sigurado kung araw araw ko ba syang makikita, paano kung hindi na? Hindi, huwag kang mainlove dun, sabi ng isip ko..

Sinundan ko kaagad sya sa dining area, syempre, pasimple kunwari may gagawin ako dun. Nabigla ako sa nakita ko, kausap nya 'yung isang crew na nakaduty sa dining area, hindi naman tipong nag-uutos o may kailangan sya, sa tingin ko magkakilala sila. Bigla akong natuwa, sa wakas magiging konektado na din ako sa kanya! Pagkatapos ng duty ko, kinausap ko kaagad 'yung ka-crew ko na kausap nya kanina, at dun ko nalaman na magkakilala nga sila dahil kabarkada pala ng kapatid nya yung ka-crew ko. Tuwang-tuwa ako sa nalaman ko, pero di ko pinapahalata sa kanya, dahil ayokong mag-isip sya ng kung ano. Dun ko din nalaman ang pangalan niya, AUDRYL DE LEON LUCIFERO...

Marami akong nalaman tungkol sa kanya, taga malapit na barangay lang pala sya, kaya pala familiar sa'kin ang apelyido nya. Kaagad ko syang hinanap sa website na Facebook pagkauwi ko ng bahay. At lumabas kaagad ang profile nya, syang sya nga 'yung customer ko. Kung anong itsura nya sa profile picture nya, iyon din ang itsura nya sa personal. May bilugan at mapang-akit na mga mata, medyo malagong buhok, kayumangging kutis at hindi mawawala ang nanlilisik nyang mga tingin. Naalala ko tuloy 'yung kwento nung ka-crew ko kanina tungkol sa kanya, na warfreak daw pala ang isang taong kagaya ni AUDRYL LUCIFERO, mahilig makipag-basag-ulo, madaling magkaroon ng kaaway at laging napapasama sa gulo. Pero pilit kong itinatago ang aking pagdududa tungkol sa mga bagay na 'yon tungkol sa kanya. Pakiramdam ko kasi ay tahimik lang sya, hindi makibo at inosente, pero kabaligtaran daw 'yon ng isang tunay na AUDRYL DE LEON LUCIFERO, na nasa loob ang kulo, na parang isang ahas na hindi mo kaagad makikita bagkus natuklaw ka na.

July 13, 2009.. 8PM..

Marami akong nakita at nalaman sa profile nya, lalo na ang bagay na nagpalungkot sa'kin, ang status nya na 'In a Relationship with Kimberly Chua'. Malabo bang walang girlfriend ang isang tulad nya? Hindi ko kaagad 'yon naisip noong una palang. Imposible nga namang walang nobya ang taong kagaya nya na halos pinapangarap makarelasyon ng mga kababaihan. In-add ko ang ilan sa mga nasa friends list nya, maging ang mga kapatid nya, dahil sa kagustuhan kong malaman ang ilan pang mga bagay tungkol sa kanya. Pero hindi pumasok sa isip ko na i-add sya noong araw na'yon, gusto ko munang magpalipas ng ilang araw at hihintayin ko munang makita ko muli sya bago ko sya i-a-add as a friend sa Facebook.

July 16, 2009..

Tatlong araw na ang lumipas, tatlong araw ko din syang hinintay na pumasok sa pinto ng restaurant na pinagtatrabahuhan ko, halos tatlong gabi ko ding tinitignan ang profile nya, hanggang sa mapagdesisyunan ko nang i-add sya. Siguro minuto lang ang lumipas, in-accept na nya kaagad ang friend request ko, online sya. Hindi ako umasang magpapadala sya ng message, basta natulog ako ng gabing iyon na masaya dahil friend ko na sya, kahit sa Facebook lang. Araw-araw akong na-e-excite pumasok sa trabaho, halos maya't maya akong tumitingin sa orasan sa tabi ng Front Counter Area at hinihintay ang laging oras ng kanyang pagdating. Pero araw-araw din akong bigo na makita sya, simula no'ng malaman ko ang account nya sa Facebook at maging friends kami, hindi ko na sya nakikita. Malamang na busy lang sya sa school, o palaging kasama ang girlfriend, o kaya'y dumederetso na ng bahay pagkakagaling sa school kaya hindi ko na sya nakikita. Buti na lang kahit paano nakikita ko ng paulit ulit ang mga pictures nya sa tuwing binibisita ko ang profile nya gabi gabi. Sa ganung paraan nawawala ang pangungulila kong makita syang muli. Halos gabi-gabi syang online, pansin ko'y mahilig syang maglaro ng DOTA dahil sa mga nababasa kong mga comments sa wall nya tungkol sa larong 'yon. Mahilig din syang mag-post ng kung anu-ano, mga pictures, videos pero ang ipinagtataka ko, bihira lang siyang makipagpalitan ng comment sa girlfriend nya. Malamang nagpa-private messaging sila o kaya nagtsa-chat gabi gabi, pero iba pa rin 'yung magpost sila ng comment sa isa't isa. May mga iilan akong nababasang pag-uusap nila pero bihira lang, parang hindi pa mapapansin sa mga sagot ng lalaki na magsyota sila. Hindi tuloy maiwasan ng isip kong magtaka at magduda kung nagwo-work out pa ba ang relasyon nila o nagiging malabo na sila sa isa't isa. In-add ko ang girlfriend nya ng gabing iyon, at in-accept nya rin naman ako kaagad. Tinignan at in-obserbahan ko ang profile ng babae lalo na sa mga photo albums nya, marami syang pictures at napansin ko lalong maganda nga talaga sya. Medyo maputi, maigsi ang buhok, maganda ang hubog ng pisngi at kapansin-pansin sa kanyang maamong mukha na mabait at simple lang syang tao. May isang album sa profile nya na ang laman ay puro pictures ni AUDRYL, pero wala ni isang picture doon na magkasama sila. Sa aking pag-oobserba sa profile nya, nalaman ko na halos gabi-gabi palang nagko-comment sakanya si AUDRYL, pero iisa ang laman ng mga comments nya, na para bang nagdududa at nagseselos ang lalaki tungkol sakanya, na pinanghihinalaan syang meron nang iba. Nakumpirma kong nagkakalabuan na nga silang dalawa, dahil sa mga nabasa kong pang-aaway sa kanya ng lalaki, at mga di-pagkakaunawaang pag-uusap.

Friday, July 17, 2009, 3PM.. PUP

Nakaka-isang oras nang nagtuturo ang propesor ko sa school, panay pa din ang sulyap ko sa cellphone ko himbis na makinig at magsulat nalang. Tinitignan ko kasi ang picture ng lalaking 'yon na ninakaw ko sa profile nya at pinasa ko sa cellphone ko. Sa bawat titig ko sa mga mata nya, unti-unti kong napapansin ang panlilisik na taglay ng kanyang mga mata, na parang isang leon na pilit na nakikipag-away sa kaaway na tigre, galit na galit na animo mananakmal ng tao. Hindi tuloy mawala sa isip ko ang mga nabasa ko kagabi sa profile ng girlfriend nya, ang mga pagdududa nya, ang galit at panghihinala nya sa girlfriend nya, ang pang-aaway nyang hindi na maganda sa mga makakabasa, na para bang wala silang relasyong dalawa. Pagkatapos ng klase, umuwi na kaagad ako ng bahay, tutal wala naman akong trabaho, kaagad kong binuksan ang Facebook ko, at bumungad kaagad sa homepage ang mga salitang 'Audryl D. Lucifero is now single'. Tinignan ko din ang profile ng girlfriend nya, at single na din ang status nya. Wala na silang dalawa, nagtapos na ang relasyon nilang dalawa na kung hindi ako nagkakamali ay lumampas din naman ng isang taon. Napatigil akong bigla, dapat ba akong matuwa? Dahil single na ang taong pumupukaw ngayon ng aking damdamin? Halo-halong emosyon, hindi ko maintindihan ang nararamdaman ko. Sa mga shoutouts ng babae ay mababasa mong malungkot sya, nangungulila dahil sa mga pangyayari sakanya. Dahil sa awa ko sakanya, nakipag-chat ako sakanya, gusto ko syang makausap at matulungan sa nararamdaman nya ngayon, para sa babaeng katulad nya, mahirap mawalan ng taong minamahal lalo na kung ang taong iyon ay si AUDRYL LUCIFERO. Nakipagkilala muna ako sakanya, mabait pala talaga sya, sa kaunting pag-uusap namin ay naging open na kaagad kami sa isa't isa, close na nga kaagad kami eh. Tnt. At sa isang simpleng pamamaraan din nalaman ko kaagad na sya pala ang nakipaghiwalay sa boyfriend nya. Sakal na sakal na daw kasi sya sa mga pinaggagagawa sakanya ng boyfriend nya, sa mga pang-aaway nito at pagdududa na meron na syang iba pero Inamin din nya sa'kin ang totoo, na may iba na daw talagang nagpapatibok ng kanyang puso, na tama ang hinala sakanya ni AUDRYL, sinabi nya sakin ang dahilan kung bakit ninais na nyang iwanan ang lalaki, dahil simula daw nung napabarkada sa iba ang lalaki, halos wala na daw itong oras sakanya. Madalas nyang mabalitaan ang bawat gulong kinasangkutan ni AUDRYL, mga pagliban sa school dahil sa mga paggagala kasama ang barkada, mga oras na dapat ginugugol sa kanya ni AUDRYL, pero mas napupunta pa sa mga pakikipaginom sa barkada, kaya sa tuwing nalalasing daw ang lalaki ay inaaway sya nito at pinagpipilitang meron na nga syang iba. Sawang-sawa na daw sya sa ganung sitwasyon, kaya sa tingin nya daw ay tama ang naging mga hakbang nya upang maging tahimik at maayos na ang damdamin nya. Ngunit lalo pa daw gumulo, dahil ayaw pumayag ni AUDRYL na magkahiwalay sila, gagawin daw ang lahat ng lalaki magkabalikan lang ulit sila..

Sa palagay ko'y umiiyak sya habang nakikipagchat sa'kin, kahit kakikilala lang namin nung gabing 'yon, inilabas nya lahat sa'kin ang sama ng loob nya, mabuti daw at kachat ko sya dahil kahit papaano ay may napagsasabihan sya ng problema nya. Pero natatakot daw sya sa maaaring magawa ni AUDRYL ngayong ayaw na nyang makipagbalikan sakanya, kilalang kilala na nya ang lalaki, at alam na alam na nya kung papano ito magalit. Nalaman kong panay daw ang chat sakanya ni AUDRYL at nakikipagbalikan ito, hindi nya daw alam ang isasagot nya dahil ayaw na daw nyang maranasan pa ang mga bagay na nararanasan nya sa piling ng lalaki noong sila pa. Humihingi sya sakin ng tulong at payo kung ano ang isasagot nya sa pakikipagbalikan sakanya ni AUDRYL, ang payo ko nalang ay sabihin nya sa lalaki na kung magbabago ito ay saka sya pumayag na makipagbalikan muli. Ngunit mahabang panahon ang kailangan upang malaman mong nagbago na nga ang isang tao. Nangangamba na daw sya, dahil halos binabantaan na daw sya ng lalaki na baka kung ano daw ang magawa nito kapag hindi pa sya nakipagbalikan kaagad.

July 18, 2009.. McDonald's Valero

Pumayag sya sa suggestion kong makipagkita sakin, para mas mabigyan ko sya ng payo at matulungan ng maayos sa problema nya. Ninais kong makipagkita nalang sakanya sa restaurant na pinagtatrabahuhan ko, sinabi ko sakanya ang lugar at alam naman daw nya 'yon dahil minsan na daw syang nayaya ni AUDRYL kumain don noong sila pa. 4PM kami nagkita, may isa at kalahating oras kami mag-uusap tutal 6PM pa naman ang duty ko sa trabaho. Nagsimula na syang magkwento, nalaman kong matagal na pala syang nahihirapan sa relasyon nila dahil sa pagbabago ng ugali ni AUDRYL, madalas daw na maramdaman nyang binabalewala na sya nito dahil halos hindi na daw sila nakakapagusap, kagaya ng nahalata ko sa Facebook accounts nila sa tuwing tinitignan ko ang profile nilang dalawa. Naikwento din nya ang mga masasama at pangit na balitang naririnig nya tungkol sa dating boyfriend nya pero hindi nya ito pinaniniwalaan dahil sa mahal nya nga ang lalaki. Nagsimula nang tumulo ang luha sa kanyang mga mata, sinabi nya sa'kin na nagbabanta na daw si AUDRYL sakanya, lalo na kapag hindi parin sya nakipagbalikan dito at sa oras na makilala nito ang lalaking bagong kinahuhumalingan daw nya. Natatakot na daw sya sa maaaring magawa ni AUDRYL. Kaya daw nitong pumatay kung gugustuhin daw nya. Nagimbal naman ako sa bagay na 'yon. Hindi ako makapaniwala. Tsk

Naaawa na'ko sakanya, hindi ko alam kung papano ko sya matutulungan, pilit na pumapasok sa isip ko ang mga unang impressions ko kay AUDRYL, pilit na sumisingit sa aking isipan ang itsura nya noong unang araw na makita ko sya, ang pagtibok ng puso ko sakanya, hanggang sa matanto kong mahal ko na talaga sya. Pero ang lahat ng 'yon ay kabaliwan, at kabaligtaran ng kung anong kulay at ugali meron ang aking minahal na taong iyon, halos hindi na nga sya tao na maituturing ngunit bakit gayon na lamang ang paghanga ko sakanya. Hindi ko mapigilang banggitin sa babaeng kausap ko ang mga bagay na nararamdaman ko sa taong minsan nya ding minahal. Sinabi at kinuwento ko sakanya ang mga unang araw na makita at makilala ko ang dating boyfriend nya, na minahal ko din ang lalaking minahal nya at kasintahan nya dati. Nabanggit ko ding kinainggitan ko sya dahil mabuti pa sya, girlfriend ng taong mahal ko. Naawa naman sya sa kalagayan ko, dahil sa isang lalaking tulad ko, nagmahal ako ng isang lalaking kagaya ng taong 'yon. Nagmahal na nga ako ng kagaya kong lalaki, sa maling tao pa. Naiintindihan naman nya ako, dahil nagiging mapusok talaga ang tao kapag nagmamahal. Wala naman daw magagawa ang mga tao dahil hindi masamang umibig, sabi nya. Natuwa naman ako sa pagpapalubag-loob nya sa akin. Napagkasunduan naming dalawa, bilang magkaibigan na, na ganap nang kalimutan ang lalaking 'yon at magbagong buhay. Ngunit hindi pa din natatapos ang problema namin, dahil hindi pa din namin alam kung papano makaiiwas at makalalayo sa lalaking 'yon.

Kailangan ko nang pumasok sa trabaho, hinatid ko nalang sya sa pinto ng restaurant at nagpaalam na mag-uusap o magtsa-chat nalang ulit kami sa oras na umawas ako sa trabaho. Ngunit lingid sa aming kaalaman, mayroong isang lalaking kanina pa tingin ng tingin sa aming dalawa, nag-oobserba sa aming mga kilos habang nag-uusap kami kanina hanggang sa ihatid ko na sya sa pinto...

July 18, 2009.. 6PM

Simula na naman ang trabaho ko, sa kabila ng lahat, kailangan maging masaya pa din ako, gusto kong simulan ang trabaho ko na masaya para hindi masira ang buong gabi ko sa pagharap ko sa mga customers. Malungkot man, kailangan ko na syang kalimutan, alang-alang sa kasunduan naming dalawa ni Kimberly, kakalimutan namin ang lalaking bumulag sa aming dalawa sa tunay na pag-ibig. Sa totoo lang tama sya, mali ako sa mga unang impresyon ko sa lalaking 'yon, hindi ko man napatunayan sa sarili ko na hindi talaga karapat-dapat mahalin ang taong 'yun, sa mga luha at pagdulog sa akin ng kanyang dating kasintahan ang magpapatunay, na hindi sya karapat-dapat bigyan ng pagmamahal. 5 minutes before ako mag-in sa work, tinitigan ko sa huling sandali ang picture ni AUDRYL sa cellphone ko. Hindi ko mapigilang alalahanin ang mga gabi na inaabangan at nakikita ko sya. Sa pagtitig ko sa picture nya, lalo na sa mga mata nya, hindi ko maiwasang magtanong sa sarili ko, kung bakit ba ako nahumaling sa lalaking ito? Natakot ako bigla dahil parang lumilisik ang mga mata nya sa picture habang tinitignan ko sya. Kung tutuusin, wala naman akong nagawang masama o mabuti sa taong ito, hindi nga nya alam na minahal ko sya, hindi nya alam na lagi ko syang hinahanap-hanap at hinihintay na makita gabi-gabi, wala syang alam at alam ko wala din syang pake sa'kin. Ngayon, wala na din akong pake sa kanya, nagmahal lang ako, at tinapos ko na 'yung pagmamahal na 'yun kanina matapos kong burahin ang nakakatakot nyang picture sa cellphone ko! :p

Around 7:30 PM, dumami bigla ang tao, Sabado kasi ngayon, tsaka peak hour pa, madami talagang customers kapag ganitong araw at oras. Naging busy ako sa pagse-serve sa mga customers, pero napansin ko pa din ang pagpasok ni Kimberly sa pinto ng resto, hindi sya pumila, naupo sya sa may table na kung saan tanaw nya ang Front Counter. Napansin kong sumesenyas sya sa akin, ang pagkakaintindi ko sa senyas nya, kung anong oras ang out ko? Sabi ko 10PM, 4hours lang ang duty ko ngayon. Sumenyas sya ulit na hihintayin nya daw akong mag-out at may importante daw syang sasabihin sa'kin. Tumango na lang ako sakanya. 'Di ako mapakali, ano kaya 'yung importanteng sasabihin nya? Akala ko umuwi na sya matapos naming mag-usap kanina, pero eto pa sya at may sasabihin daw sa akin. Natatanaw ko syang parang balisa, kahit sa loob ng restaurant naka-cap sya na parang ikinukubli ang mukha nya at patingin-tingin sya sa labas na parang may pinagtataguan. Naguguluhan na ako, pati ako ay nagiging balisa at hindi mapakali, nacu-curious ako sa kung anong sasabihin nya sa akin. Wish ko lang na humupa sana ang pagdating ng mga customers para kapag wala na akong customer ay pupunta ako sakanya at makikipag-usap. Pero padami pa lalo ng padami ang tao. Hmp. Patuloy lang ako sa pag-o-ordertake sa mga customers, hanggang sa may mapansin akong isang lalaki na kapapasok lang at pumila sa tapat ko, nasa dulo sya ng pila, pero alam kong nakikilala ko sya, tama, sa porma, buhok at pananamit, alam kong sya si AUDRYL LUCIFERO, nakapagtataka nga lang at sa akin sya nakapila ngayon? Pero wala na akong nararamdamang kakaiba, wala lang para sa akin na makita ko sya ngayon at nakapila sa akin. Pero 'di ko maiwasang kabahan, bakit kaya? Kahit air-conditioned ang loob ng resto, bakit parang pinagpapawisan ako? Habang papalapit na sya ng papalapit sa akin, panay ang kabog ng dibdib ko, bakit ba? Ano bang meron? Muli na naman bang tumitibok ang puso ko? Hindi. Ewan? Pagharap nya sa akin, bumuntong-hininga ako at binati ko sya ng 'Hi, Good Evening?'. Binati nya rin ako ng 'Good Evening!' sabay bigla syang umurong, itinaas nya ang kanyang dalawang braso at may itinutok sa akin. Natakot ang lahat ng tao at nagsigawan sila, pati ang mga kasamahan ko sa counter ay tumakbo sa kitchen, nagtago at natakot. Ako na lang mag-isa sa counter, nasa gitna ako, nasa pwesto ko lagi, hindi ako nagulat o natatakot sa ginagawa nya ngayon. Wala akong reaksyon, tumungo lang ako hanggang sa nagsalita sya.

'HINDING-HINDI MO MAAAGAW SA AKIN ANG GIRLFRIEND KO!'

'AUDRYL! HUWAAAG!' Sigaw ni Kimberly at nagtangkang lumapit sa kanya.

Tahimik pa rin ako, naiiyak at nagsisi, ano ba 'tong nagawa ko? Nagsalita ulit sya.

'KUNG IKAW LANG ANG MAGIGING DAHILAN UPANG HINDI KAMI MAGKABALIKAN NG MAHAL KO, PUWES, MAWALA KA NA SA MUNDO!'

Napatunghay ako sa sinabi nya, at may paninindigan kong sinabi 'NAGMAHAL AKO...' sumabat sya bigla..

'MAHALIN MO NA ANG IBA, 'WAG LANG ANG MAHAL KO!' sabay putok.

'MALI KA AUDRYL!' Napasigaw si Kimberly at umiiyak, 'NAGMAHAL SYA, NG ISANG KAGAYA MO, AT HINDI AKO. HINDI NYA AKO INAAGAW SA'YO, DAHIL IKAW ANG MAHAL NYA, MAHAL KA NYA! MALI KA, MALI. BAKIT MO 'TO NAGAWA? HAYOP KA, HAYOP!'

Naririnig kong sinasabi ni Kimberly, pero wala na, kahit ma-realize pa ni AUDRYL ang maling nagawa nya, wala na ring mangyayari pa, dahil eto ako, nakalumpasay na sa sahig at kinakapos na ng hininga. Kung makikita ko lang sana ang reaction ni AUDRYL, ano kayang nasa isip nya? Naaawa kaya sya sa akin? Naaawa kaya sya? Gusto ko sana syang makita ulit, kaso hindi na ako makabangon, nanghihina na kasi ako. Kasalanan ko kasi ang lahat ng ito, pero wala na akong magagawa pa. Para sa akin wala akong naging kasalanan, wala naman akong ginawa eh, nagmahal lang naman ako, 'di ba? Nagmahal lang ako, nagmahal ako...

...NG ISANG HAYOP!' x|