“Ang pagiging isang malikhain
ay hindi lamang kapansin-pansin,
bagkus, kasing ning-ning rin
ng mga pahayagan at magasin…”
-othanhinagpis2010
Isang mapagpalang umaga po sa ating lahat!
Isang malaking karangalan at pribilehiyo na ihandog sa inyo, ang pinakapayak, pinakakakaiba at pinakamahusay na likhang kasuotan na bunga ng mga pagsisikap, pagkakaisa, pagtutulungan at pagiging malikhain ng mga mag-aaral mula sa daynamikong Departamento ng Sikolohiya!
Mula sa ikalawang antas, malugod kong ipinakikilala, ang aming Lakambini na si Binibining Rasel Leycano, taglay ang kagandahang mababanaag sa isang tunay na dalagang Pilipina. Kasama ng aming Konsorte na si Ginoong Mark Jerome Maraña, taglay ang kakisigan at pagka-maginoong tatak ng isang tunay na binatang Pilipino.
Sa kanilang mga bihis habang inyong pinagmamasdan, inyo ring masisilayan ang simple ngunit kakaibang likhang kasuotan na gawa sa iisang sangkap----- ang papel. Papel na nagmula sa mga puno, ang puno na isang natural na bagay at anak ng Inang Kalikasan. Papel na mula sa mga pahina ng pahayagan na binilot at pinilipit upang makabuo ng isang eleganteng baro. Nilalá at hinabi upang makabuo ng isang makabayang polo at tsaleko. Pinaggupit-gupit at pinagdikit-dikit upang makalikha ng isang bukod-tangi at naiibang sumbrero. Ang mga pahayagan ang araw-araw na bumubusog sa ating mga isipan ng mga napapanahong balita, masama man o mabuti, at ng mga makabuluhang impormasyon.
Ang mga makukulay na magasin ang nagpatingkad, nagbigay-buhay at nagbigay-kulay sa aming nilikhang kasuotan. Mula sa mga dahon nito na tinupi at ginawang abaniko, na pinagsama-sama at pinagtagpi-tagpi hanggang sa makabuo ng isang agaw-pansin, magarbo at mala-traje de boda’ng saya. Ang mga pinira-pirasong papel na nagmula sa mga makukulay na pahina nito ang nagsilbing palamuti na lalong nagpaganda sa aming nilikhang kasuotan. Sa mga magasin natin nababatid ang mga iba’t ibang bagay, istorya, artikulo, paksa at mga larawan na lalong nagpapaigting sa ating mayayamang kaisipan.
Mula sa mga patapong bagay na kagaya ng mga lumang pahayagan at magasin, na hinaluan ng makabayang konsepto at kakaibang istilo, tayo ay makalilikha ng isang maipagmamalaki at natatanging obra na ating maipagmamalaki bilang mga mahuhusay at malilikhaing mga Pilipino.
“Muli po, inyong pagmasdan,
ang aming pinagpawisan,
na likhang kasuotan,
mula sa aming kognitibong kaisipan!”
MABUHAY ANG MGA KAPWA KO MAG-AARAL NG SIKOLOHIYA!
Magandang umaga pong muli, at marami pong salamat.