Kuya/Ate
Ako po ay isang Badjao galing sa Mindanao
Pahingi po ng barya
pambili ng bigas at ulam
Salamat po..
Pamilyar ba sa'yo ang isang maikling sulatin na 'yan? nakakalungkot kung babasahin ano?
Kalimitan 'yang mababasa sa likod ng mga sobreng ipinamimigay ng mga Badjao sa bawat araw ng kanilang pag-akyat sa mga dyip upang mamalimos, na ginawa na nilang hanapbuhay upang may makain lamang kasama ng kanilang pamilya kahit isang beses sa loob ng isang araw. Kung nakakalungkot mang basahin ang mga salitang kanilang nais ipahiwatig sa atin, na sa likod ng bawat sobreng ating iniiwas-iwasang matanggap galing sa kanila dahil walang maibigay, naroroon at nakaguhit sa mga maduduming sobre ang kahirapan na kanilang tinatamasa. Nagmula sila sa malayong ibayo at dumayo sa lugar natin baon-baon sa kanilang isipan ang pag-asang ating sila'y tutulungan at kakaawaan. Hindi natin sila naiintindihan ngunit sa pamamagitan ng mga lukot at gusgusing sobre na malapit ng mapunit ay naipapahiwatig nila ang kanilang pagsusumamo para sa atin na sila'y tulungan. Ang bawat salitang nakasulat sa bawat sobreng kanilang ipinamimigay ay nakakalungkot basahin, ngunit mas nakakalungkot at mas nakakaawang tignan ang kanilang mga hitsura na hindi mo na maaninag ang kaamuhan at kagandahan ng kanilang mga mukha dahil sa natatakluban at natatakpan ito ng dungis, putik at dumi na nagtulak sa kanila upang sila'y layuan, iwasan at pandirihan ng ibang tao. Oo, pandirihan ng mga tao!
Nung unang maranasan ko ang makaencounter ng mga Badjao sa dyip, aaminin ko na ako'y nagulat at napatawa. Nasabi ko sa isipan ko na "aba, at talaga rin namang mautak din naman ang mga ito at naniguradong sila'y may malilimos sa loob ng dyip dahil sa marami rin namang tao at pasahero sa loob, at tyak na maraming maaawa at tutulong sa kanila.." Iyon marahil ang nasa isip nila, ngunit 'yung isang nakasakay ko na medyo maedad na, maganda ang damit, bag, mga alahas at talagang nakamake-up pa hindi naman halata sa kanya ang nagtatrabaho sa opisina. Ang sama ng tingin ng babaing ito sa Badjao na animo nakakita ng daga at diring-diri. At tignan mo nga naman ang tadhana, pagtapat ng Badjao sa magarang babaing ito upang bigyan sya ng sobre, ay biglang pumreno ang dyip at sa di inaasahang pagkakataon ay natumba at napakandong ang munting Badjao sa sosyalerang babaing ito. Itinulak ng babae ang badjao at nagsisigaw ng pandidiri dito"ano ba'yan! kadiri naman, ang baho baho..hay na'ko!" at nagpapagpag pa ng suot na damit at kulang nalang ay mag-alcohol sa sobrang pandidiri. Ang kaawa-awang badjao ay nagpatuloy lamang sa ginagawang pamimigay ng sobre at hindi pinansin ang babae, hindi mo makikita sa badjao na sya ay nayurakan, dahil para sa kanya, sya ay isa nang putik at pinandidirihan. Wala syang reaksyon at pakealam dahil ang nais lamang nya ay sya ay tulungan at bigyan ng kaunting baryang magbibigay sakanya ng galak.
Minsan sa ating buhay ay nararanasan natin na tayo'y libakin ng ibang tao, gaano iyon kasakit? ngunit para sa isang badjao, wala na syang pakealam pa dahil sa sanay na sya sa ganung gawain. Marahi 'yun na rin ang nagbibigay daan para sa kanila na sila'y kaawaan ng tao. Sapagkat may mga ibang tao na walang pumapansin sa kanila sa kabila ng mga ilan na nagbibigay sa kanila ng kahit na kaunting barya. Maintindihan naman nila sana kung bakit ang iba ay walang maibigay sa kanila, marahil ang iba ay madamot, kuripot o sadyang mahirap lamang din. Sapagkat ang mga tao sa dyip na kanilang nililimusan ay mga ordinaryong tao lamang din katulad nila, na ang mithiin din lamang ay ang magkaroon ng normal na buhay, makakain ng ilang beses sa loob ng isang araw. Kagaya rin natin ang badjao, mga ordinaryong tao. Sana ay tratuhin natin na parang tao ang mga kagaya nila, naiiba lamang sila sa atin pagdating sa landas ng buhay na tinatahak nila, sapagkat sa pamamalimos nila dinadaan ang kanilang adhikaing magkaroon ng magandang buhay sa halip na nasa eskwelahan sila at nag-aaral. Iyon ang adhikain nila, ang magkaroon ng magandang buhay, adhikaing nais nilang ihatid sa ating mga ordinaryong tao sa dyip na kanilang nililimusan at hinihingian ng tulong. Sayang nga lang dahil kung kaya lang sana nilang umakyat at sumakay sa mga taxi at magagarang sasakyan upang doon mamalimos at humingi ng tulong, di sana'y malaki sana ang maibibigay na tulong sa kanila sapagkat mayayaman ang mga sumasakay sa ganoong mga sasakyan. Ngunit ang tanong ay 'yun nga ba ang gagawin sa kanila? ang sila'y tulungan? o libakin at pintas pintasan lang din...iyan ang hirap sa mga mayayaman, mga nakahiga sa salapi...ginagawang higaan ang kanilang mga pera, iniipon upang waldasin lamang sa mga luho himbis na itulong na lang sa mga mahihirap, mga nangangailangan, gaya ng mga badjao. Maaaring natatamaan ko na rin ang mga taong nakaupo sa ating pamahalaan, mga nakaupong pulitiko na dapat ay tumutulong sa kanila at sa mga mahihirap. Palibhasa sila'y mga mayayaman din na nakahiga lang din sa salapi.
Ngunit ang nakakapanindig-balahibo ay ang kanilang tinig, ang awit ng mga badjao na baon baon nila sa pamamalimos. Sa tuwing napapakinggan ko ang kanilang mga tinig, ay hindi ko maiwasan ang mapapikit habang pumapasok sa aking isipan ang kanilang mga tinig, ang kanilang mga awit na tanging sila lamang ang nakakaintindi at nakakaalam. Na sa araw araw na ginawa ng D'yos ng aking pagpasok sa Skul, sa Dyip ko maririnig ang mga tinig na iyon na kahit mahuhuli na ako sa klase ay hindi ko pa rin maiwasang mapangiti. Marahil ang ipinapahiwatig ng kantang kanilang inaawit ay ang kagandahan ng kanilang kultura, ang kultura ng mga badjao na bukod tangi at atin ring maipagmamalaki. Oo nga't sila'y mahihirap ngunit ang kanila namang kultura'y mayaman, 'yan kanilang tinig..Ang Tinig ng Badjao na sana'y marinig nating lahat, lalo na ng mga nakatataas at mga nakaupo sa gobyerno na nagwawalang-bahala sa kanila, sila na hindi pinapansin ang mga kalagayan nilang mga badjao..Ngunit pasasaan ba't ang kanilang mga tinig ay iigting at maririnig din nating lahat. Nawa'y ang kanilang mga tinig ay umusbong na kahit hindi natin maintindihan ay makikita naman natin at sumasalamin doon ang kayamanan ng kanilang kultura at kagandahan ng puso sa gitna ng kahirapan.
"se-ko ya ma-dam-ot atsa ka sea-te...
aya-w magbe-ga-y ng pis-o..
ilay-lay-lay la la la...
ar-ay a-te masa-ket!
ar-ay ko-ya madam-ot!.."
No comments:
Post a Comment